Ipinagdiwang ng silid-aklatan ng St. Joseph’s College of Baggao, Inc. (SJCBI) ang Buwan ng Wika na may temang “Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino” simula ika-16 ng Agosto hanggang ika-27 ng Agosto, 2021.
Layunin ng aktibidad na ito na alalahanin ang kasaysayan, kilalanin, panatilihin at paunlarin ang wikang Filipino at bilang pagsaludo at pagmamahal sa ating bansang Pilipinas.
Bilang bahagi ng selebrasyon ng Buwan ng Wika ngayong taon, nagbigay-pugay ang SJCBI sa mga katutubong wika ng bansa sa pamamagitan ng paglunsad ng mga gawaing birtwal. Mayroong iba’t-ibang patimpalak tulad ng “Tanong ko, Sagot Mo”, “Proud Pilipino” at paggawa ng Tiktok.
Ang Tanong ko, Sagot Mo! ay paligsahan na bukas sa mga guro at estudyante na kung saan ipo-post ang mga katanungan at ito’y sasagutan ng mga kalahok sa pamamagitan ng pag-komento ng tamang sagot.
Ang patimpalak na Proud Pilipino ay isang “photo contest” na kung saan layunin nito na itampok ang ating mga pambansang kasuotan.
Ang Tiktok naman ay paligsahan sa paggawa ng maikling video na tampok ang mga sining na gawa sa Pilipinas o di kaya’y gawa ng Pilipino sa pamamagitan ng pagsayaw, pagkanta, pag-arte at iba pa.
Naging matagumpay ang selebrasyon ng Buwan ng Wika dahil aktibong nakilahok ang mga estudyante at guro sa mga iba’t-ibang paligsahan. Pormal na nagsara ang selebrayon noong ika-27 ng Agosto, 2021 kasabay nito ang paggawad sa mga nanalo at nakilahok.